Kampeonato sa Provincial Fire Brigade Competition, Naiuwi ng Brgy. Marabulig 1, Cauayan City!

*Cauayan City, Isabela- *Isang 3-Wheel na fire truck ang nakatakdang ibigay sa Brgy. Marabulig 1 ng Lungsod ng Cauayan matapos masungkit ang kampeonato sa isinagawang Fire Brigade Competition sa buong Lalawigan ng Isabela noong Pebrero 21, 2019 sa Isabela State University Cauayan Campus.

Sa panayam ng RMN Cauayan kay Brgy Kagawad Alex Garcia, nakamit nila ang kampeonato dahil na rin sa kooperasyon ng kanyang mga kabarangay matapos sumabak sa nasabing kompetisyon.

Ito anya ang kauna-unahan sa kanilang kasaysayan at malaking parangal na nakamit ng Brgy Marabulig 1 sa mga kumpetisyon na kanilang nilahukan.


Bukod pa rito, malaking din anya ang kanilang pakikilahok sa naturang patimpalak upang mapaghandaan ang anumang sunog na maaaring maganap dito sa Lungsod ng Cauayan.

Binubuo ng 15 miyembro ang Fire Brigade ng Marabulig 1 at inaasahan na sa darating na buwan ng Marso ay ipapasakamay na ang premyo na isang 3-Wheel fire truck.

Samantala, magsisilbing kinatawan ng Lalawigan ng Isabela ang Fire Brigade ng Marabulig 1 para sa gaganaping Regional Fire Brigade Competition sa mga darating na buwan.

Facebook Comments