Saturday, November 7, 2026

Kampo ni VP Sara, binatikos ang mga pahayag ng prosecution kaugnay sa usapin ng due process

Iginiit ni Vice President Sara Duterte spokesperson Salvador Paolo A. Panelo Jr., na magkaiba ang pananaw ng depensa at prosekusyon sa usapin ng due process at pagiging patas sa impeachment proceedings.

Sa inilabas na pahayag, sinabi ni Panelo na sa isang panig ay nananatili ang paggalang sa due process at dapat munang marinig ang panig ng inaakusahan at mapatunayan sa hukuman ang mga paratang sa pamamagitan ng malinaw at matibay na ebidensya.

Binatikos din niya si Atty. Lorna Kapunan at ang prosecution panel, na aniya’y patuloy na gumagamit ng mga pahayag sa media na umano’y nakabatay sa kalahating katotohanan at malisyosong haka-haka.

Aniya, tila mas inuuna umano ng prosekusyon ang paglalabas ng mga pahayag sa media kaysa ang paglalahad ng ebidensya sa paglilitis.

Ayon sa depensa, ang mga argumento ng prosekusyon ay nakabatay lamang umano sa mga haka-haka at mapanirang pahayag, sa halip na malinaw at matibay na ebidensya.

Ayon pa kay Panelo, nagkaroon na ng pagkakataon ang prosekusyon na iharap ang kanilang kaso ngunit nabigo umano ito.

Aniya, magsisimula na sa Lunes ang presentasyon ng depensa ni Vice President Sara Duterte sa impeachment trial.

Facebook Comments