Kapabayaan ng SIPCOR, nakitang dahilan ni PBBM sa lumalalang krisis sa kuryente sa Siquijor

Iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang pagpapadala ng dalawang malalaking generator sets o gensets sa Siquijor bilang pansamantalang solusyon sa lumalalang krisis sa suplay ng kuryente sa lugar.

Kasunod ito ng ginawang inspeksyon ng Pangulo sa planta ng Siquijor Island Power Corporation (SIPCOR) na pangunahing power provider sa probinsya.

Ayon sa Pangulo, inaasahang darating ngayong gabi o kinabukasan ang gensets na manggagaling sa Palawan.

Nagtakda rin aniya sila ng anim na buwang deadline para sa pagpapatupad ng mas pangmatagalang solusyon, kabilang ang pagkukumpuni ng mga nasirang power system, pagtiyak sa fuel supply, at pagsasaayos ng transmission lines.

Samantala, isa sa nakita dahilan ng Pangulo sa matagalang blackout sa lalawigan ay ang kapabayaan sa panig ng power provider at ang kakulangan sa sapat na serbisyo para sa mga residente.

Kaugnay nito, binigyang-diin ng Pangulo na kailangang gampanan ng SIPCOR ang tungkulin nito sa mga residente.

Magsasagawa rin aniya ng seryosong pag-uusap ang pamahalaan at ang power provider para tiyakin na maibabalik ang normal at maaasahang serbisyo sa kuryente sa lalawigan.

Facebook Comments