NBI, wala pang sagot hinggil sa request ng Manila RTC Branch 51 na ilipat sa Camp Bagong Diwa si dating Congressman Arnie Teves

Hindi pa naglalabas ng pahayag ang National Bureau of Investigation (NBI), hinggil sa request ng Manila RTC Branch 51 na ilipat si dating Representative Arnolfo Teves sa Camp Bagong Diwa sa may Taguig City.

Sa ngayon kasi ay nananatili pa rin si Teves sa NBI Detention Facility sa Bilibid, Muntinlupa City.

Una nang sinabi ni NBI Director Jaime Santiago na huwag munang alisin sa NBI Facility si Teves dahil na rin sa iba’t ibang korte ang may hawak sa kaso ng dating kongresista.

Ayon kasi sa legal counsel ni Teves na si Atty. Ferdinand Topacio, ipinalilipat na ng Manila Regional Trial Court Branch 51 sa Camp Bagong Diwa Taguig City si dating Negros Oriental 3rd Disttrict Rep. Arnolfo Teves Jr., ngunit nais munang linawin ng kanilang kampo kung aling utos ang susundin dahil base sa naunang commitment order ng Manila RTC Branch 12 ay dadalhin ang dating kongresista sa Manila City Jail.

Kinahaharap ni Teves ang mga kasong may kinalaman sa murder, illegal possession of firearms, illegal possession of explosives at iba pa at siya rin ang itinuturong mastermind sa likod ng pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.

Facebook Comments