Inaasahan na ng Department of Health (DOH) na mas lalo pang tataas ang kaso ng COVID-19 sa bansa sa katapusan ng buwan hanggang sa ikalawang linggo ng Pebrero.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ito ay batay sa pagtaya ng mga espekto at sa ipinakitang projections ng Inter-Agency Task Force.
Aniya, hindi pa umaabot sa “peak” ang mga kaso ng COVID kaya mahalagang mag-ingat ang publiko dahil sa mabilis na pagkalat ng Omicron variant.
Dahil dito, hinikayat ni Vergeire ang publiko na magpabakuna na para hindi na dumagdag pa sa mga bilang na ipinakita ng mga eksperto.
“Ngayon, ito pong sinasabing peak ng mga kaso, base po sa projections na ginagawa ng ating mga eksperto, ang peak po ng mga kaso, katulad ng aming sinasabi, it’s not going to happen soon. Sa atin pong projections na naipakita sa amin kahapon sa IATF ng ating experts, it’s going to happen towards the end of January or even as late as second week of February. So ito pong mga kaso, patuloy pa rin hong tataas kaya po lahat tayo ay mag-iingat; lahat po tayo ay magpabakuna na kung eligible na para po makatulong tayo na hindi natin maabot iyong mga projections na ipinapakita sa atin ngayon ng mga numero at ng ating mga eksperto,” ani Vergeire