Pinamamadali na ni Defense Sec. Gilbert Teodoro ang mga pasilidad ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites sa bansa para maging fully-operational ang mga ito sa pagsasagawa ng humanitarian and disaster relief operations.
Sa kaniyang pagbisita sa La-lo Airbase sa Cagayan para sa relief operation, napuna ng kalihim ang pagkarga ng aviation fuel sa mga eroplano gamit ang mga drum.
Aniya, hindi maaring permanenteng mag-istasyon ng mga eroplano sa lugar dahil wala pang mga pasilidad para sa proteksyon ng mga ito.
Dahil dito, sinabi ng kalihim na kailangang madaliin ang development sa limang orihinal na EDCA sites at sa apat na karagdagang sites para na rin sa pambansang seguridad at magagamit sa tuwing may kalamidad.
Ang relief operations ay isinagawa ng US military at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Batanes at Calayan island sa Northern Luzon na hinagupit ng Bagyong Egay at habagat.