
Cauayan City – Nagpapatuloy ang konstruksyon ng mga infrastructure projects sa Brgy. Baculud, Cauayan City, Isabela.
Sa naging panayam ng iFM Newsteam kay Punong Barangay Roberto Aguinaldo, kasalukuyan ngayon ang pagtatayo ng bagong Public Comfort Room sa kanilang community center.
Aniya, malaking tulong ito hindi lamang para sa mga residente kundi maging sa mismong barangay dahil may magagamit ang mga bisita lalo na kapag may mga programa o selebrasyon na magaganap sa lugar, katulad na lamang ng nalalapit na pagdiriwang ng kanilang kapistahan.
Maliban dito, isa rin sa proyekto ng barangay ay ang mas pagpapaganda ng kanilang community center sa pamamagitan ng paglalagay ng mga sementadong bleachers.
Ayon sa kapitan, ang pondong ginamit dito ay galing sa nalikom na pera sa isinagawang raffle draw noong nakaraang pista sa kanilang lugar.
Ngayong taong 2025, marami pa silang mga isinusulong na proyekto gaya na lamang ng karagdagang mga streetlights, road concreting, at iba pa na tiyak na magiging kapaki-pakinabang para sa mga residente.