Lalaking nagbebenta ng SIM na may GCash account, inaresto ng PNP-ACG

Nadakip ng mga tauhan ng Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ang isang online seller na nagbebenta ng SIM card na may rehistradong GCash account.

Ayon kay PNP-ACG Cyber Response Unit Chief PCol. Jay Guillermo nahuli ang suspek na si Arthur Cab, 40, residente ng Fortune 4 Parada, Valenzuela City sa tapat ng isang fastfood restaurant sa kaparehong lungsod sa ikinasang entrapment operation.

Inilunsad ang operasyon matapos makatanggap ng sumbong ang pulisya mula sa biktimang tumangging magpakilala na na-scam umano ng isang Facebook account na nagbebenta ng SIM card na may beripikadong GCash sa Facebook marketplace.


Narekober sa suspek ang dalawang sim cards na may rehistradong GCash, P3,000 na buy-bust money, at cellphone.

Sa ngayon nahaharap ang suspek sa paglabag sa SIM Registration Act at Cybercrime Prevention Act.

Facebook Comments