Libu-libong rebelde, posibleng i-avail ang amnesty program ng pamahalaan

Inaasahan ng gobyerno na kukunin ng libu-libong rebelde ang planong amnesty program ng pamahalaan.

Ayon kay Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity Carlito Galvez Jr., sa 26,414 komunistang sumuko sa pamahalaan, tinatayang nasa 1,000 hanggang 2,000 rito ang posibleng makasuhan at maaaring mag-apply para sa amnestiya.

Maliban dito, nasa 8,000 hanggang 10,000 miyembro ng iba pang grupo tulad ng Moro National Liberation Front (MNLF), Moro Islamic Liberation Front (MILF), Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawa ng Pilipinas/Revolutionary Proletarian Army/Alex Boncayao Brigade, at Cordillera People’s Liberation Army inaasahan din mag-aapply sa naturang programa.


Mababatid na inisyu ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Presidential Proclamation No. 1090 hanggang 1093 noong Pebrero 2021 upang magawaran ng amnestiya ang mga nabanggit na grupo.

Una nang sinabi ni National Security Adviser Clarita Carlos na inirerekomenda ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang pag-alok ng amnestiya sa mga community rebels upang mapigilan ang pagbuhay ng mga community terrorist group sa mga liblib na lugar sa bansa.

Facebook Comments