Lokal na pamahalaan ng Maynila, ipagbabawal na ang pagdura sa pampublikong lugar

Ipagbabawal na ang pagdura sa mga pampublikong lugar sa lungsod ng Maynila bunsod na din ng kinakaharap na problemang pang-medikal hindi lang sa lungsod kundi sa buong mundo dahil sa Coronavirus Disease o COVID-19.

Ang “Anti-Spitting Ordinance” ay ipinanukala nina 3rd District Councilors Atty. Ernesto Isip Jr. at ni Majority Floor Leader Atty. Joel Chua sa isinagawang regular session ng Sangguniang Panlungsod ng Maynila kung saan agad itong maipatutupad sa lungsod ng Maynila sa oras na maaprubahan ni Mayor Isko Moreno at mailathala sa mga pahayagan.

Sa nasabing ordinansa, ang sinumang dumura, sinasadya man o hindi sa mga pampublikong lugar tulad ng kalsada, bangketa, kalye, parke, malls, markets, public carriers, public halls, buildings, banks, public squares, terminals, shopping at business, centers, schools, churches, hospitals, at iba pang lugar ay pagbabayarin ng multa.


Sa mga lalabag sa nasabing ordinansa ay papatawan ng parusa na P1,000 multa para sa first offense; P3,000 multa para sa second offense; at P5,000 multa para sa sunod sunod na paglabag at padadaluhin ito sa isang health seminar na pangungunahan ng Manila Health Department o pagkakakulong ng hindi hihigit sa isang buwan depende sa diskresyon ng korte.

 

Inihain ang naturang panukala bunsod na din ng pagdeklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ng State of public Health Emergency sa bansa makaraang itaas sa Code Red sublevel 2 ng Department of Health (DOH) ang alert level na dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga kumpirmadong COVID-19 patients kung saan nasa 12 na ang naitatalang namamatay sa bansa.

Facebook Comments