Isinusulong ni Committee on Basic Education Chairman Senador Win Gatchalian ang pagrepaso sa pagpapatupad ng Magna Carta for Public School Teachers para matiyak na napapangalagaan ang kapakanan ng mga guro sa pampublikong mga paaraIan.
Bagama’t mahigit limampung taon na ang nakaraan simula nang ipatupad ang batas, ay pinuna ni Gatchalian na hindi lahat ng probisyon nito ay naipatutupad.
Kabilang sa tinukoy ni Gatchalian na hindi nangyayari dahil walang budget ay ang libre at taunang medical examination bago sumabak ang mga guro sa pagtuturo.
Ayon kay Gatchalian, mas nabigyang-diin ang kakulangang ito sa gitna ng COVID-19 pandemic na ngayo’y nagbabanta sa kalusugan at kaligtasan ng mga guro sa pagpapatupad ng distance learning.
Sabi ni Gatchalian, mandato rin ng Magna Carta na hindi dapat lalagpas sa anim na oras ang pagtuturo at pagtatrabaho ng mga guro pero base sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), natatabunan ang mga guro ng mga gawaing walang kinalaman sa pagtuturo.
Isinusulong din ng Magna Carta na siguruhing tumataas ang sahod ng mga guro pero puna ni Gatchalian, napag-iwanan na ang sweldo ng mga guro ng ibang mga propesyonal sa pamahalaan, kabilang ang mga sundalo at mga pulis.