Magsasaka sa Sto Tomas Isabela, Tinaga Matapos Malasing at Nanggulo!

11

Sto Tomas, Isabela – Nagtamo ng dalawang taga sa ulo ang isang magsasaka matapos na malasing at nanggulo sa isang bahay sa Barangay Malapagay, Sto Tomas, Isabela sa oras 9:00 ng gabi, May 2,2018.

Sa naging pahayag ni Police Chief Inspector Vicente Fieror ng PNP Sto Tomas, aniya ang biktima ay si Lorenzo Martinez, 46 taong gulang samantalang ang suspek ay si Amador Cataggatan, 47 taong gulang, pawang residente ng nasabing lugar.

Sinabi pa ni Inspector Fieror na nag-inuman ang dalawa kasama ang isang nagngangalang Abby Paguigan sa bahay ni Martinez.

Pagkalipas ng ilang oras ay naunang umalis si Cataggatan at umuwi sa kanyang tahanan ngunit sinundan ito ng biktima.

Sa bahay ni Cataggatan ay nanghamon umano ang biktima hanggang sa puntong tadyakan ni Martinez ang pinto ng bahay ng suspek.

Dahil dito tinaga ni Cataggatan si Martinez ng dalawang beses sa ulo sa pamamagitan ng mahabang itak.

Itinakbo si Martinez sa Emergency Hospital ng Delfin Albano Isabela para sa karampatang lunas samantalang sumuko sa pulisya ang suspek na hanggang sa ngayon ay hindi pa mabatid ang malalim na motibo ng pananaga.

Facebook Comments