Nagpatupad ang Department of Education (DepEd) ng bagong Emergency Playbook na magsisilbing gabay sa mga paaralan kung paano ipagpapatuloy ang pagkatuto ng mga mag-aaral sa panahon ng bagyo, baha, lindol, at iba pang mga sakuna o emergency.
Sa ilalim ng bagong sistema, apat na antas ang gagamitin upang matukoy ang naaangkop na setup ng klase depende sa sitwasyon at antas ng panganib sa isang lugar.
Ang unang antas ay ang HAYO (Continue) kung saan magpapatuloy ang regular na face-to-face classes.
Susunod naman ang HINAY (Ease-In) na nagpapahintulot sa paggamit ng distance learning modalities tulad ng online classes at iba pang alternatibong paraan ng pag-aaral kung may limitasyon sa pagpasok sa paaralan.
Sa HINGA (Check-In), mas bibigyang prayoridad ang kaligtasan, kalusugan, at kapakanan ng mga mag-aaral at guro. Maaari ring bawasan ang academic workload upang mabigyan ng sapat na panahon ang mga apektadong pamilya na makabangon mula sa epekto ng sakuna.
Samantala, sa ilalim ng pinakamataas na antas na HINTO (Stop), suspendido ang lahat ng learning activities dahil sa matinding banta sa kalusugan at kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, at kawani ng paaralan.
Ayon sa DepEd, layunin ng Emergency Playbook na magkaroon ng mas malinaw at organisadong sistema sa pagpapatuloy ng edukasyon sa gitna ng mga sakuna habang tinitiyak na nananatiling pangunahing konsiderasyon ang kaligtasan ng mga mag-aaral at mga kawani ng paaralan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








