Mahigpit na pagpapatupad ng “price-freeze” sa mga pangunahing bilihin, inihain ng Makabayan sa Kamara

Inihirit ng mga kongresista ng Makabayan ang mahigpit na pagpapatupad ng “price-freeze” sa mga pangunahing bilihin sa gitna na rin ng ika-walong beses na big-time na taas-presyo ng produktong petrolyo.

Sa inihaing House Resolution 2310 ng Makabayan, tinukoy rito na nitong September 10, 2021 ay pinalawig pa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsasailalim sa bansa sa “state of calamity” dulot ng COVID-19 pandemic.

Ibig sabihin, dahil nasa ilalim pa rin ng “state of calamity” ang bansa ay dapat tigil ang taas presyo sa lahat ng batayang bilihin sa loob ng 60 araw o hanggang November 9 salig na rin sa probisyong nakapaloob sa Price Act.


Pero sa halip na ginhawa sa publiko ay sinamantala naman ng mga oil companies ang walang habas na pagtaas sa presyo ng langis na nagresulta ngayon sa mataas na presyo ng bilihin at serbisyo.

Kasunod nito ay umaapela si Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas kay Pangulong Duterte na aksyunan na ang walang pakundangang pagtaas ng presyo ng langis sa bansa at ipatupad ang automatic price freeze sa mga bilihin gaya ng bigas, delata, gulay at mantika sa loob ng 2 buwan alinsunod sa Proclamation 1218.

Nababahala rin ang lady solon dahil tumaas sa 4.9% ang inflation rate o bilis ng pagtaas ng bilihin nitong Setyembre at posible pa itong umangat dahil sa patuloy na oil price hike.

Facebook Comments