
Kumpiyansa ang Malacañang na kakayanin linisin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kalat ng administrasyong Duterte.
Pahayag ito ng Palasyo kasunod ng pagkakaalis ng Pilipinas sa “grey list” ng Financial Action Task Force (FATF).
Ang FATF ay isang organisasyon ng 39 na bansa na nagtatakda ng international standards kontra sa illegal na financial activities, drug trafficking, arms smuggling at cyber fraud.
Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, nalagay sa “grey list” ng FATF ang Pilipinas noong 2021 dahil sa pagdami ng POGO sa bansa na hinihinalang sangkot sa money laundering, drug trafficking, at cyber fraud.
Naging mahina aniya ang Pilipinas sa pagpapatupad ng sanction laban sa katiwalian kahit may nababalita nang anomalya partikular noong pandemya.
Dagdag pa ni Castro, kahit malaki ang intelligence funds noong panahong iyon ay nahuhuli pa rin ang bansa sa pagpapatupad ng Anti-terrorism Act of 2020.
Malaki aniya ang naitulong ng pagban ni Pangulong Marcos sa POGO kaya nakaalis ang Pilipinas sa grey list.
Dahil dito, inaasahang mas maayos na ang transaksiyong pampinansiyal, at pagpasok ng maraming foreign investors, at mas mababang remittance fees para sa mga overseas Filipino worker.