Friday, April 17, 2026

20 toneladang gulay mula Benguet at Pangasinan, binili ng Office of the President para maipamahagi sa Metro Manila

Binili ng Office of the President ang humigit-kumulang 20 toneladang gulay mula sa mga magsasaka sa La Trinidad, Benguet at Urdaneta, Pangasinan para ipamahagi sa iba’t ibang komunidad sa Metro Manila.

Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), kabilang sa makakatanggap ng mga biniling gulay ang Caloocan, Navotas, Malabon, Quezon City, Pasay, Maynila, DSWD NCR para sa Walang Gutom Kitchen, New Bilibid Prison sa Muntinlupa, Manila City Jail, at mga orphanage.

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagkakarga ng mga gulay sa OP Bus kasama ang mga magsasaka.

Layon ng direktang pagbili ng pamahalaan na madagdagan ang kita ng mga magsasaka, maihatid ang sariwang pagkain sa mga komunidad, at maiwasan ang pagkasayang ng ani.

Facebook Comments