Pagtatakda ng SRP sa mga pagkain na laging tumataas ang presyo, hiniling ng isang kongresista sa DA

Hiniling ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS Partylist Rep. Erwin Tulfo sa Department of Agriculture (DA) na magpatupad ng SRP o suggested retail price sa mga pagkain na palaging tumataas ang presyo.

Layunin ng mungkahi ni Tulfo na makontrol ang kikitain at mahadlangan ang pananamantala ng mga negosyante, middleman, trader at kartel na syang dahilan kaya tumataas ng labis ang presyo ng pagkain pagdating sa merkado.

Ayon kay Tulfo, lumabas sa mga pagdinig ng Kamara nitong mga nagdaang buwan na tumataas ang presyo ng mga pagkain pag dumaan na sa mga middleman at mga kartel.

Pangunahing tinukoy ni Tulfo na mga pagkain na dapat lagyan ng SRP ang bigas, gulay, itlog, karne ng manok at baboy na mura ang farmgate price o benta ng mga producer pero sumisirit ang presyo pagdating sa mga palengke at iba pang pamilihan.

Binanggit ni Tulfo na maari ng alisin ang SRP kapag nag-stabilize na ang presyo ng naturang mga produkto.
\

Facebook Comments