
Bukas ang Malacañang sa posibilidad ng mas mabigat na parusa laban sa mga kontratistang mapapatunayang sangkot sa anomalya sa flood control projects.
Ito’y kasunod ng panukala ni Senator Tito Sotto III na palawigin mula isang taon hanggang limang taon ang pagbabawal sa mga kontratistang napatunayang lumabag sa batas bago sila muling payagang makakuha ng kontrata sa gobyerno.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, pag-aaralan muna ng Palasyo ang mga detalye ng panukala upang matiyak na magiging patas ang implementasyon nito.
Giit ni Castro, mahalagang maprotektahan ang interes ng publiko nang hindi nadadamay ang mga kontratistang walang kinalaman sa anomalya.
Sa ilalim ng kasalukuyang regulasyon ng Government Procurement Reform Act o ang Republic Act 9184, maaaring i-ban ang isang kontratista sa loob ng isang taon kapag napatunayang sangkot sa anomalya.
Pero sa mungkahi ni Sotto, mas hahaba ang parusa upang magsilbing babala sa mga negosyanteng kumikita mula sa katiwalian habang masisiguro namang maayos ang paggamit ng pondo ng bayan.










