Pinangunahan ang rehearsal ni Principal John Mina at mga kinatawan ng BFP at PNP Cauayan na nilahukan ng mahigit kumulang tatlong libong mag-aaral mula sa Grade 11 at 12 kasama ang mga teaching at non-teaching staff.
Ayon kay SFO 1 Trinidad Arroyo, Chief Personnel at investigator ng BFP Cauayan, maayos at matagumpay naman ang naging resulta ng pagsasanay ng mga mag-aaral at guro sa nasabing paaralan dahil nagawa naman ng mga ito ang duck, cover and hold technique subalit mayroon lamang mga nakitang bagay na kailangan pa nilang pagbutihin para sa mas ligtas na paghahanda sa sakuna.
Napansin dito ang kakulangan ng gamit sa pagresponde ng paaralan at hindi tamang paggamit ng fire extinguisher.
Nagkaroon din ng pagkalito sa mga estudyante sa tunog ng sirene kung saan imbes na tumigil sa kanilang naabutang lugar habang tumutunog ang sirene ay patuloy pa rin ang pagbaba at pagtakbo ng mga estudyante palabas ng kanilang classrooms.
Kaugnay nito ay isinuhestiyon ng BFP Cauayan sa pamunuan ng naturang paaralan na magkaroon ng schedule para sa pagsasanay at karagdagang kaalaman kaugnay sa mga dapat at tamang gawin sa panahon ng sakuna tulad ng lindol.
Sinabi naman ni PLT Felimon Domingo Jr, newly assigned Police Commissioned Officer ng PNP Cauayan, kailangan aniya ang punctuality at timeliness sa panahon ng sakuna at kalamidad para sa pagsasalba ng buhay.
Dapat din aniya ay laging naka-secure ang mga mahahalagang gamit sa paaralan dahil hindi pa rin aniya maiwasan ang insidente ng pagnanakaw o pananamantala ng mga kawatan at higit sa lahat ay maging kalmado sa panahon ng sakuna.
Samantala, sa mensahe naman ni Principal John Mina, lubos itong nagpapasalamat sa mga ahensyang sumama sa kanilang earthquake drill dahil kung wala aniya itong hanay ng BFP at PNP ay hindi nila malalaman ang kanilang mga dapat na iimprove.
Sinabi nito na kinokonsidera ng kanilang paaralan sa susunod na drill ang lahat ng mga suhestiyon ng mga kinauukulan para matiyak ang kaligtasan ng bawat mag-aaral at mga guro ng naturang paaralan. Batid naman aniya nito na may mga pagkukulang sa kanilang earthquake drill tulad ng first aid kit subalit sinabi nito na kasalukuyan na ang procurement sa mga gamit ng paaralan.