Mga district engineer ng DPWH na sangkot sa maanomalyang flood control project, nakatakdang i-dismiss sa pwesto ni Sec. Dizon

Inihayag ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na maglalabas na siya ng desisyon hinggil sa sitwasyon nina dating Bulacan 1st District Assistant Engineers Brice Hernandez at Jaypee Mendoza.

Ito’y kasunod ng naunang desisyon ni Dizon na i-dismiss sa pwesto si dating Bulacan 1st District Engineer Henry Alcantara mula sa DPWH.

Ayon kay Dizon, bagama’t tanggal na sa kanilang pwesto, patuloy pa rin ang gagawing imbestigasyon para mapanagot sila sa katiwalian na kinasasangkutan.

Bukod dito, inilagay na rin nila sa blacklist ang mga kontraktor na kasabwat sa maanomalyang flood control project kung saan kabilang dito ang SYMS Construction Trading, Wawao Builders, IM Construction Corporation, St. Timothy Construction Corporation at iba pa na hawak ng pamilya Discaya.

Sinabi pa ni Sec. Dizon, nakatakda na rin siyang magtungo sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) para hilingin na i-freeze at ipa-forfeit ang ari-arian ng mga sangkot sa palpak na proyekto.

Muling iginiit ng kalihim na hahabulin at papanagutin niya ang lahat ng sangkot sa katiwalian sa DPWH kung saan wala siyang sasantuhin maging ito man ay kamag-anak, kaibigan o kaalyado ni Pangulong Bongbong Marcos Jr.

Facebook Comments