Mga empleyado ng PNR, isasailalim sa rapid test bago magbalik sa serbisyo

Sasailalim muna sa rapid test ang mga empleyado ng Philippine National Railways (PNR) bago magbalik sa serbisyo.

Ayon kay PNR Corporate Exec. OIC Atty. Celeste Lauta, kailangan muna ng rapid test upang masiguro na ang mga empleyado ng PNR ay walang sintomas o hindi nahawaan ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Dagdag pa ni Lauta, magkakaroon ng dry run sa Biyernes, May 15, ang PNR mula Tutuban hanggang Laguna para masiguro rin na nasa maayos na kondisyon ang mga bagon at riles ng tren.


Nabatid na 143 na lamang ang papayagan na makasakay sa mga bagon kung saan magpapatupad rin sila ng safety measures at hindi papayagan sumakay ang walang mga face mask.

Lilimitahan din ang pagpapasakay ng mga senior citizen lalo na’t sila ang mabilis na mahawaan ng sakit.

Nilinaw naman ni Lauta na walang magaganap na pagtataas ng singil sa pamasahe pero nanawagan sila sa publiko na makiisa sa mga pagbabagong gagawin ng PNR sa ‘new normal’.

Facebook Comments