Mga guro, pumuwesto sa gilid ng kalye para makahanap ng signal at makadalo sa webinar

PHOTO COURTESY JESON ARIAS CELEBRE

Para makasagap ng maayos na signal, minabuti ng ilang titser mula sa Barangay New Leyte, Maco, Davao de Oro na pumuwesto sa gilid ng kalsada at magtayo ng tent upang makadalo sa webinar ng Department of Education (DepEd).

Ang sinalihan nilang webinar nitong Hunyo 17 hanggang 19 ay bilang paghahanda sa distance learning classes na nakatakdang umarangkada sa Agosto.

Ayon sa gurong si Jeson Arias Celebre, mahirap kumuha ng signal sa kani-kanilang bahay kaya nagdesisyon silang magtungo sa lugar na 15 minuto ang layo sa pinapasukang eskuwelahan.


Ipinost niya sa social media ang mga larawan ng hindi malilimutang karanasan at nilinaw na wala silang intensyon na siraan ang kagawaran o gobyerno.

Marami kasing netizen ang naawa sa grupo at kinondena ang umano’y pagiging walang puso ng DepEd.

Paliwanag naman ng mga titser, parte ng kanilang sinumpaang tungkulin ang ginawang diskarte lalo na at paiiralin ang “new normal” na pagtuturo habang may pandemya.

Samantala, pinuri at nagpasalamat ang DepEd Region 11 sa pagiging matiyaga at maparaan ng grupo upang makadalo sa isinagawang webinar.

“The courage of these teachers to look for ways and create something out of nothing is an epitome of what public school teachers are – to serve with all their hearts,” pahayag ng DepEd Region 11 sa Facebook.

“No excuses though for lack of equipment or internet connectivity especially in the far-flung areas. But DepEd will make sure the needed resources for the new learning modalities will be provided them before the opening of classes,” pagpapatuloy ng rehiyonal na kagawaran.

Facebook Comments