Aabot pa lamang sa 0.2% ng 111 million na mga Pilipino ang nabakunahan sa bansa ng COVID-19 vaccine mula nang magsimula ang vaccine rollout sa bansa noong March 1.
Dahil dito, kinakitaan ni dating Health Secretary at Iloilo Representative Janette Garin ang kawalan ng ‘urgency’ ang pamahalaan pagdating sa COVID-19 vaccination program.
Iginiit ni Garin na dapat simultaneous ang pagbabakuna at hindi puwedeng mga health workers na nagtatrabaho sa ospital lang muna ang babakunahan.
Umapela ang mambabatas na isama na rin sa mabibigyan ng COVID-19 vaccine ang ibang nasa Category A tulad ng mga rural health physicians, city health officers, swabbers healthcare workers na tumatao sa mga birthing clinics at sa pribadong sektor.
Maging ang mga may co-morbidities ay iginiit ni Garin na mabakunahan na rin partikular ang mga diabetics, cancer patients at iyong may cardiac ailments.
Paliwanag ni Garin, ito ang dahilan kaya marami ang nagkakasakit na hindi naman dapat dahil sa mabagal na proseso sa pagbabakuna sa bansa sa kabila nang pumalo na sa mahigit 1.5 million doses ng COVID-19 vaccines ang dumating sa Pilipinas.
Bukod sa vaccination, hiniling din ng lady solon ang tuloy-tuloy na testing upang sa gayon ay magkaroon ng scientific solution sa pandemic.