
Wala nang babayaran ang mga pasyenteng maa-admit sa lahat ng Department of Health hospitals sa buong bansa.
Ito ang inanunsyo ni Pangulong Bongbong Marcos sa kaniyang ikaapat na SONA kahapon.
Ayon sa pangulo, sa pamamagitan ng “zero balance billing” na inimplementa sa lahat ng 87 DOH hospitals, areglado na ang mga pasyente sa mga serbisyo ng basic at ward accommodation.
Hindi naman sakop ng zero balance billing ang mga pasyenteng pipiliing lumipat sa private rooms.
Samantala, bukod sa zero balance billing, maaari na ring maproseso ang Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients o MAIFIP program sa pamamagitan ng eGov app na inilunsad kamakailan para sa mas mabilis, transparent, at accessible na government services.
Taong 2011 nang simulang iimplementa ng Philhealth ang kanilang zero o “no balance billing” (NBB) sa mga accredited government health care institution, at mga pribadong ospital na boluntaryong nag-iimplementa ng NBB policy.
Sa ilalim ng NBB, wala nang babayaran ang mga qualified na pasyente nang mas mataas o lagpas sa kanilang PhilHealth package rates.
Sakop ng naturang polisiya ang mga miyembro at dependent na maituturing na indigent, sponsored, domestic workers, senior citizens at lifetime PhilHealth members.









