Manila, Philippines – Hati ang mga senador sa rekomendasyon ni Senate President Tito Sotto III na bawiin na sa Bicameral Conference Committee ang naipasang 2019 budget ng Senado at hayaan ng reenacted budget ang gamitin ngayong taon para matigil na ang isyu ng insertions at pork barrel.
Kinampihan ni Senator Panfilo Ping Lacson ang desisyon ni Sotto dahil naiintindihan nya ang pagkadismaya nito sa pananatili ng pork barrel sa pambansang budget kahit ipinagbawal na ito ng Korte Suprema.
Suportado din ni Senator Sonny Angara si Senate President Sotto na aniya ay dismayado sa mabagal na usad ng proposed 2019 budget sa Bicam gayong limitado na ang panahon para ito ay kanilang ipasa.
Tiwala naman si Senator Koko Pimentel sa magaling na ang pagpapasya ni Sotto.
Sa kabilang banda ay kinontra ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto si Sotto sa katwirang maapektuhan ang paglikha ng trabaho, pag-usad ng ekonomiya at ang build, build, build program ng pamahalaan sa reenacted budget.
Diin naman ni Senator Kiko Pangilinan, ang paggamit ng reenacted budget ay mistulang pagbibigay ng blank check sa Malakanyang lalo pa at may eleksyon ngayong taon.
Ikinalungkot naman ni Senator JV Ejercito na sa ilalim ng reenacted budget ay masasayang lang ang lahat ng pagsisikap na mapabuti ang serbisyo ng gobyerno.
Giit pa ni Ejercito, lahat ng interventions na ginawa ng Senado sa panukalang 2019 budget ay institutional at kailangan tulad ng ipinaglaban niyang paglalaan ng pondo sa health facilities program ng Department of Health o DOH.