Ibinasura ng panel of prosecutors ng Department of Justice (DOJ) ang reklamo ng pagpatay laban sa 17 pulis.
Ito ay kaugnay sa pagpatay kay labor leader Emmanuel Asuncion noong March 7, 2021 sa Cavite sa tinaguriang “Bloody Sunday” raid.
Nakasaad sa 23-pahinang resolusyon ng DOJ, ibinabasura ang reklamong inihain ng asawa ni Asuncion, si Liezel, “dahil sa kakulangan ng ebidensya.”
Batay pa sa resolusyon, malinaw na walang nakasaksi sa sinasabing pagpatay kay Asuncion.
Inatasan din ng resolusyon na ibalik ang mga record sa National Bureau of Investigation-CAVIDO para sa pagsasagawa ng karagdagang imbestigasyon upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin.
Si Asuncion ay isa sa siyam na aktibistang napatay noong magsagawa ng sabay-sabay na operasyon ang pulisya sa CALABARZON.
Sinabi ni Liezel na hindi nagpakita ng search warrant ang raiding team na pumasok sa kanilang bahay sa Cavite.
Nakasuot din sila ng mga ski mask na nagpapahirap sa kanila na makilala.
Sa raid, nahiwalay si Manny kay Liezel at makalipas ang ilang minuto, narinig ang putok ng baril at natagpuang sugatan ang labor leader at kalaunan ay namatay.