NAGLULUTO AT NAGBEBENTA NG KARNE NG ASO SA BUGALLON, PANGASINAN, NABISTO NG AWTORIDAD

Natunton ng awtoridad ang inireport na umano’y nagluluto at ibinibentang karne ng aso sa bayan ng Bugallon, Pangasinan.

Ito ay matapos ang ilang ulit na surveillance sa pangunguna ng Animal Welfare Investigation Project (AWIP) kasama ang law enforcement agencies sa bahagi ng Brgy. Poblacion.

Sa ekslusibong panayam ng IFM News Dagupan kay AWIP Regional Director Greg Salido Quimpo, napag-alaman umano na matagal na ang nasabing bentahan ng karne ng aso.

Aniya, desidido ang tanggapan na ipaglaban ang kaso lalo at lumalabag dito sa umiiral na batas sa bansa, ang patungkol sa proteksyon ng mga hayop tulad na lamang ng pagbabawal sa pagkatay ng aso.

Nagbabala si Quimpo sa mga patuloy na nang-aabuso sa mga hayop na hindi nila umano titigilan ang mga ito hanggat hindi naipapataw ang nararapat na kaparusahan dahil sa animal cruelty.

Inihayag din nito na mayroon umanong datos ang tanggapan sa buong lalawigan ng Pangasinan napag-alamang may kalakalan din sa pagkakatay o pagbebenta ng aso.

Samantala, hinikayat ang publiko na sakaling mayroong impormasyon sa ilegal na gawain ay huwag mag-atubiling isangguni sa kinauukulan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨

Facebook Comments