
Nasamsam ang ilang ilegal na droga at mga bala sa isinagawang search warrant laban sa isang lalaking nauna nang naaresto sa Laoac, Pangasinan noong Abril 15, 2026.
Ikinasa ng Laoac Municipal Police Station, katuwang ang Pangasinan PPO, 2nd PMFC, at Villasis Police Station, ang operasyon sa inuupahang bahay ng suspek sa Barangay Calmay.
Ayon sa ulat, naaresto na ang suspek noong Abril 10 dahil sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act) at Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).
Sa bisa ng Search Warrant, sinalakay ng mga awtoridad ang tirahan ng suspek kung saan narekober ang tinatayang 0.60 gramo ng hinihinalang shabu na may halagang Php4,080.
Bukod dito, nasamsam din ang iba’t ibang non-drug evidence kabilang ang mga bag, dalawang magazine ng 9mm pistol na may lamang mga bala, at kabuuang 35 piraso ng 9mm live ammunition.
Isinagawa ang imbentaryo at pagmamarka ng mga ebidensya sa mismong lugar ng operasyon at lahat ng mga ito ay magsisilbing ebidensya laban sa suspek, alinsunod sa itinakda ng batas. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










