Wednesday, September 2, 2026

NAPOLCOM, iimbestigahan ang pulis na inireklamong nanakit at nagbanta sa estudyante

Pinaiimbestigahan ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang isang pulis sa Cavite na inireklamo ng pananakit at pagbabanta sa isang 20-anyos na college student.

Ayon sa complainant na itinago sa pangalang “Ace,” nangyari ang insidente noong gabi ng ika-27 ng Agosto sa Governor’s Drive sa Barangay San Agustin, Trece Martires City, matapos umano siyang mag-U-turn sa unahan ng sasakyan ni Police Senior Master Sergeant Don Carlos Almonidovar ng General Trias Component City Police Station.

Giit ng estudyante, binangga umano ng pulis ang kanilang motorsiklo, saka siya sinaktan, hinampas ng baril, minura at pinagbantaan na papatayin.

Dinala rin umano sila ng kanyang 19-anyos na kasama sa police station kung saan sinubukang ayusin ang insidente.

Lumabas din umano sa breathalyzer test na nakainom ng alak ang pulis.

Ayon kay NAPOLCOM Commissioner Ralph Calinisan, posibleng humarap sa kasong administratibo ang pulis, kabilang ang grave misconduct at conduct unbecoming of a police officer, at maaari pang matanggal sa serbisyo kung mapatutunayang totoo ang mga alegasyon.

Pinapaharap din ng NAPOLCOM ang pulis at ang police investigator na humawak sa kaso bukas, September 3, para magpaliwanag.

Facebook Comments