
Pinabibigyan ng P150 million na pondo ang maintenance at pagsasaayos ng EDSA Busway project sa 2027.
Sa gitna ng pagtalakay ng Senado sa 2027 budget ng Department of Transportation, kinwestyon ni Senator Erwin Tulfo ang kawalan ng pondo para sa EDSA Busway Service Contracting and Fuel Subsidy Programs at kung kasabay ba nito ay mawawalan na rin ng discount ang mga pasahero sa busway.
Paliwanag naman ni Senator JV Ejercito na sponsor ng DOTR budget, ginawang zero sa bersyon ng Kamara ang pondo sa EDSA Busway Project pero binigyan ng Senado ng P150 million na pondo ang nasabing proyekto.
Kasama rin sa binusisi ni Tulfo ang kakulangan ng mga magagandang pier para sa mga roll-on-roll-off o roro trips partikular ang byahe patungo sa island communities ng Palawan at Marinduque.
Sinabi ng senador na ito ay hindi lang para sa mga turista kundi para rin sa mga mangingisda.
Ibinahagi ni Ejercito na batay sa Philippine Ports Authority, may plano na para sa konstruksyon ng mga dagdag na pier para sa roro vessels at fishing boats habang ang Department of Agriculture naman ang responsible sa fishing ports.










