Nasa 200,000 mga trabahante, balik trabaho na simula sa Huwebes

Balik trabaho na ulit ang nasa 150,000 hanggang 200,000 na mga manggagawa sa Huwebes kasabay nang pagpapatupad ng General Community Quarantine (GCQ) with alert level system sa National Capital Region (NCR).

Sa press conference sa Malakanyang sinabi ni Trade Sec. Ramon Lopez na base sa kanilang komputasyon, nasa kalahating milyon ang mga manggagawa sa mga restaurant at personal care services dito sa kalakhang Maynila, pero dahil limitado pa lamang ay hindi pa lahat ay makababalik sa trabaho.

Sa inilabas na panuntunan ng Inter- Agency Task Force (IATF) pinapayagan ang outdoor o al fresco dine-in na may 30% venue capacity.


Habang ang indoor dine-in naman ay 10% lamang ang papayagan pero dapat ay fully vaccinated kapwa ang mga empleyado at mga customers.

Sa personal care services naman tulad ng barbershop, hair spa, nail spa at beauty salon maaari ang 30% operational capacity kapag outdoor bakunado o hindi habang sa indoor 10% lamang ang pinapayagan pero ito ay para sa mga fully vaccinated individuals lamang.

Kung ang pag-uusapan naman aniya ay revenue per week, nasa P1.5-M kita ang maibabalik, idagdag pa ang 12% o P180-M sa kada linggo sa nasabing sektor ng negosyo.

Facebook Comments