Pumalo na sa 12 ang nasawi habang pito ang nawawala sa paghagupit ng Bagyong Odette sa Visayas at Mindanao.
Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Ricardo Jalad, anim sa mga nasawi ay sa Region 6 dahil sa pagkalunod at pagbagsak ng mga puno.
Aniya, isa rin ang nasawi sa Region 8 at isa sa Region 10 habang bineberipika naman ang impormasyon na may nasawi sa Siargao Island.
Sinabi rin ni Jalad na umabot sa 84,674 na pamilya o katumbas ng 338,664 na indibidwal ang lumikas sa Mimaropa, Regions 6, 7, 8, 9, 11, at Caraga.
Nauna nang sinabi ng NDRRMC na nakatanggap sila ng 95 requests para tumulong sa iba’t-ibang rehiyon sa gitna ng pananalasa ng bagyo kung saan 48.96% sa mga ito ay nanggaling sa Cebu.