Thursday, September 10, 2026

NLEX, pinagpapaliwanag ng DOTR-TRB kaugnay sa insidente ng malalang traffic at pagbaha sa kalsada

Pinagpapaliwanag ng Department of Transportation (DOTr) ang pamunuan ng North Luzon Expressway (NLEX) sa pamamagitan ng Toll Regulatory Board (TRB) kasunod ng pagkaka-stranded ng mga motorista dahil sa naranasang pagbaha sa bahagi ng San Simon, Pampanga.

Inatasan ng DOTr ang NLEX na magsumite sa loob ng tatlong araw ng detalyadong paliwanag sa insidente at technical solution na kanilang ipatutupad upang maiwasang maulit ang naturang problema.

Ayon sa DOTr, dapat gumamit ang NLEX ng direktang SMS at iba pang madaling ma-access na plataporma upang agad na maipaalam sa mga motorista ang lagay ng expressway at mga posibleng alternatibong ruta.

Kasunod ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na agarang tugunan ang matinding trapiko sa NLEX na dulot ng pagbaha sa bahagi ng San Simon, Pampanga, partikular sa Tulaoc Bridge.

Inatasan din ang NLEX na makipag-ugnayan sa DOTr at TRB upang matiyak ang mabilis na pagpapatupad ng mga hakbang sa flood mitigation at mabawasan ang epekto ng trapiko sa mga motorista.

May direktiba rin sa NLEX na ikonsiderang ibalik ang toll fees sa mga Class 1 motorists na napilitang mag-U-turn dahil sa pagbaha sa apektadong bahagi ng expressway.

Kabilang dito ang mga sedans SUV, van, jeepney, pick-up trucks at motorsikolo na expressway legal.

Layunin ng mga hakbang na ito na mapalakas ang kaligtasan ng mga motorista at mapabuti ang pagbibigay ng impormasyon sa panahon ng mga kalamidad.

Facebook Comments