Hinimok ang Senado ng isang research and advocacy group na ibasura ang umano’y umaabot sa P38 bilyong tax exemption na ipinagkaloob ng mga mambabatas sa proyekto ng San Miguel Corporation na international airport sa lalawigan ng Bulacan.
Ayon sa Action for Economic Reforms, isang non-government organization na bihasa sa mga isyung pang-ekonomiya at pagbubuwis, hindi umano dapat ipatong sa balikat ng taxpayers ang mga ‘pasanin’ ng pribadong negosyanteng naghangad na magpatayo ng bagong paliparan sa Bulacan.
Ang tinutukoy ng AER ay ang tax perks at iba pang exemptions na nakapaloob sa prangkisang inaprubahan kamakailan lang sa huling pagbasa ng Kamara para sa kompanya ni Ramon S. Ang na tinatayang aabot ng P38 bilyon.
Nakapaloob sa 50-taon na prangkisa na “during the 10-year construction period, the grantee shall be exempt from any and all direct and indirect taxes and fees of any kind, nature or description, which emanates exclusively from the construction, development, establishment and operation of the airport and airport city, including income taxes, value-added taxes, percentage taxes, excise taxes, documentary stamp taxes, customs duties and tariffs, taxes on real estate, buildings and personal property, business taxes, franchise taxes and supervision fees, levied established or collected, by any city, municipal, provincial or national authority.”
Bilang tugon sa umano’y sobra-sobrang paglibre sa buwis at mga taripa ng gobyerno ay sinabi ng AER na may kalayaan umano ang SMC na magpatayo ng paliparan upang kumpetensiyahin ang Ninoy Aquino at Clark International Airport ngunit ‘tulad ng normal na takbo ng negosyo ay ang namumuhunan umano ang dapat sasagot sa peligro ng hanapbuhay.
Ayon sa advocacy group ay naging malinaw din umano ang panuntunan ng gobyerno na hindi dapat magamit ang public funds na pantapal or magamit na pansalo sa pribadong puhunan o gastusin, kaya maging ang Finance department ay siguradong ‘di papayag na ang taxpayers ang papasan sa gastusin, kabilang ang bayarin sa buwis sa ganitong ‘unsolicited private undertakings.
“The costs and risks of building the 2,500-hectare SMC Aerocity have to be shouldered by Ang’s companies,” mariing paglilinaw ng AER.
Nauna nang kinontra ni Finance Assistant Secretary Teresa S. Habitan ang panukalang tax perks para sa Bulacan airport project. Ngunit lumusot pa rin sa Kamara ang nasabing mga insentibo.
Mismong si House committee on ways and means Joey Salceda ang nagsabi na pwede umanong umabot sa P38 bilyon ang ‘foregone revenue’ sa national government mula sa pag-umpisa ng konstruksiyon, at tinatayang aabot din sa P1.5 bilyon hanggang P2 bilyon kada taon ang mawawala sa gobyerno kapag nagsimula na ang airport operations.
Sa pahayag ng AER ay sinabi pa nitong “fiscal incentives can only be justified whenever a market failure exists, and that there is no compelling reason for the government to subsidize another airport because congestion will be prevented by the supply of air travel services that NAIA and Clark will provide.”
Ipinaliwanag ng nasabing grupo na walang matatawag na ‘market failure’ para saluin ng gobyerno ang gastusin sa buwis ng SMC sapagkat ang kasalukuyan at hinaharap na air travel service demand ay kayang malutas sa pamamagitan ng pagsasaayos at pagpapaluwag sa mga existing international airports.