PNP-HPG, nakasabat ng 15 kilo ng shabu sa isang checkpoint sa Samar

Nasamsam ng mga operatiba ng Philippine National Police Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang tinatayang 15 kilo ng hinihinalang shabu sa isang checkpoint sa Maharlika Highway, Brgy. New Mahayag, Catbalogan, Samar bago magtanghali kanina.

Ayon kay Lt. Nadame Malang, tagapagsalita ng PNP-HPG, pinara ng mga pulis ang isang kotse matapos mapansing basag ang fog light nito.

Sa isinagawang visual inspection, nadiskubre ang mga kahon ng iligal na droga na nakatago sa trunk ng sasakyan.

Sinabi ni Malang na tinatayang aabot sa P100 milyon ang halaga ng nasabat na shabu.

Sa ngayon, isinasagawa pa ang inventory ng ebidensya habang nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek.

Facebook Comments