Kinilala ng Philippine Air Force (PAF) ang kabayanihan ng kanilang tropa na bahagi ng Philippine Inter-Agency Humanitarian Contingent (PIAHC) kahapon, April 22 sa Colonel Jesus Villamor Air Base, Pasay City.

Ginawaran ng Bronze Cross Medal ang Urban Search and Rescue Team mula sa 505th Search and Rescue Group dahil sa kanilang hindi matatawarang misyon at pagtulong sa mga biktima ng magnitude 7.7 na lindol sa Myanmar.

Samantala, binigyan naman ng Silver Wing Medal ang flight crew ng 220th Airlift Wing, Aeromedical Team ng Air Force General Hospital, at mga operatiba ng 720th Special Operations Group sa kanilang mahalagang papel sa pagbibigay ng medikal, logistical, at seguridad sa nasabing operasyon.

Ayon kay PAF Commanding General Lieutenant General Arthur Cordura ang pagkilalang ito ay hindi lamang pagpupugay sa kabayanihan, kundi isang paalala na sa panahon ng sakuna ay nakahanda ang mga Pilipinong sundalo na umalalay at tumulong.

Facebook Comments