Pag-aangkat ng karneng baboy, inalmahan ng ilang nagtitinda sa Pasig Mega Market

Inalmahan ng ilang mga nagtitinda ng karne ng baboy ang plano ng Department of Agriculture (DA) na muling mag-aangkat ng karneng baboy ngayong taon.

Ayon sa mga nagtitinda, sa halip na pagtuunan ng pansin ang pagtulong sa mga local hog raiser, bakit importation na lang lagi ang naiisip na paraan ng DA sa pagkontrol ng presyo.

Paliwanag nila, sa halip na makaahon dahil sa epekto ng African Swine Fever (ASF) ay malulubog lang lalo ang mga nag-aalaga ng baboy.


Maliban dito, magreresulta umano ang importation ng baboy sa pagbaha ng frozen na karne na pumapatay sa bentahan ng sariwang baboy.

Ayon sa mga nagtitinda, dati umano ay dalawang pwesto lang ang nagtitinda ng frozen na karne sa Pasig Mega Market pero ngayon umano ay kalat na ito at mas tinatangkalik.

Kwento pa nila, kung dati ay kaya nila makaubos ng apat na katay ng baboy sa isang araw, ngayon ay hanggang isang buong baboy na lang ang nauubos nila.

Nabatid na ang planong importation ng DA ay para maiwasan umano ang kakapusan sa supply at pataas ng presyo nito dahil sa ASF.

Sa ngayon, ₱280 hanggang ₱300 kada kilo ang bagong katay ng karneng baboy sa Pasig Mega Market.

Habang mas mura naman ng ₱20 kada kilo ang frozen.

Facebook Comments