Pag-amyenda sa Universal Health Care Act, isinulong sa Kamara

Isinulong ni Agri Party-list Rep. Wilbert Lee ang pag-amyenda sa Universal Health Care (UHC) Act upang maitaas ang pondo para sa pagkuha ng Philhealth ng dagdag na tauhan para sa pagpapatupad ng healthcare benefit increases.

Sa inihain nitong House Bill No. 11297 ay binigyang-diin ni Lee na kailangan ng Philhealth ng mas maraming tao at actuary teams na sisiyasat sa mga case rate.

Sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability ay sinabi ni Lee na isang dahilan ng delayed payments ng Philhealth sa mga ospital at delayed na pagtaas ng benepisyo ay dahil sa kakulangan sa tao at team na nakatutok sa libu-libong case rates.


Paliwanag ni Lee, mahalagang ma-review agad ang mga case rate para makasabay ang Philhealth sa pangangailangan ng mga miyembro, lalo pa’t nagmamahal ang serbisyo dahil sa inflation.

Ayon kay Lee, kailangang amyendahan ang UCH law dahil higit itong nakatutok ngayon sa pagkolekta ng Philhealth ng premium contribution mula sa mga miyembro sa halip na pag-ibayuhin ang benepisyong ibinibigay nito.

Facebook Comments