
Iminungkahi ni KABAYAN Party-list Rep. Ron Salo sa Department of Migrant Workers (DMW) na bigyan ng hero’s welcome ang 17 Filipino seafarers na nakalaya mula sa pagkabihag ng Houthi forces sa Yemen sa loob ng mahigit isang taon.
Katwiran ni Salo, matinding hirap ang dinanas ng nabanggit na mga Pilipinong mandaragat para lang maitaguyod ang kanilang mga pamilya kaya dapat ipagdiwang at ipagpasalamat ng buong bansa ang kanilang pag-uwi.
Panawagan ni Salo sa DMW, kilalanin ang katatagan at ambag ng mga seafarer sa maritime industry at global workforce.
Ayon kay Salo, ang pagbabalik sa Pilipinas ng 17 seafarers ay isang paalala sa panganib na hinaharap ng ating mga overseas Filipino worker kaya ang kanilang kaligtasan ay hindi lang tagumpay ng diplomacy kundi patunay ng katatagan ng mga Pilipino.