Pag-increase sa unprogrammed funds sa ilalim ng 2024 national budget, kinuwestyon ng ilang mambabatas sa Supreme Court

Iniakyat na sa Supreme Court ng ilang miyembro ng House of Representatives ang umano’y pag-increase sa “unprogrammed funds” na sa ilalim ng 2024 General Appropriations Act.

Nanguna sa paghahain ng 27-pahinang petisyon sa Kataas-taasang Hukuman sina Albay 1st District Rep. Edcel Lagman, Camarines Sur Rep. Gabriel Bordado at Basilan Rep. Mujuv Hataman.

Giit nila, labag sa Section 25 Article VI ng 1987 Constitution ang pagdagdag ng P449 billion sa P281 billion na itinakdang unprogrammed funds sa National Expenditure Program.


Kabilang sa mga respondent sa petisyon sina Senate President Juan Miguel Zubiri at House Speaker Martin Romualdez kasama sina Senador Sonny Angara, Representative Elizaldy Co, Executive Secretary Lucas Bersamin, Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman at National Treasurer Rosalia De Leon.

Nakapaloob sa petisyon ang hiling na Temporary Restraining Order o Writ of Preliminary Injunction na nagpapahinto sa implementasyon at paglalabas ng P449.5 billion; pagbasura sa naturang excess funds; at Writ of Prohibition sa mga respondent upang pagbawalang ilabas ang excess items of expenditure.

Facebook Comments