Tuesday, March 10, 2026

Pag-release ng guidelines para sa Pantawid Pasada Program, pinamamadali na ni Rep. Salceda sa LTFRB

Pinamamadali na ni Albay 3rd District Representative Raymond Adrian Salceda ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ilabas ang panuntunan para sa Pantawid Pasada Program.

Hiling ito ni Salceda sa LTFRB sa harap ng nakaambang pagsipa ng presyo ng langis dahil sa gulo sa Gitnang Silangan.

Tinukoy din ni Salceda na umakyat na sa US$80 per barrel ang presyo ng langis kaya dapat nang maikasa ang programa na may malinaw na patakaran.

Ayon kay Salceda, noong Pebrero 2 pa niya hiniling sa LTFRB sa pamamagitan ng House Resolution No. 719 na maglabas ng guidelines sa fuel subsidy dahil sa banta na aatakehin ng Amerika ang Iran na nangyari na nga nitong Pebrero 28.

Giit ni Salceda, dapat kumilos nang mabilis ang LTFRB dahil kailangang maipaalam na sa publiko kung paano i-avail ang programa, at upang makapaghanda na rin ang mga ahensyang magpapatupad nito.

Facebook Comments