Pinahihigpitan ni Senator Sonny Angara sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang regulasyon at pagbabantay sa mga POGO o Philippine Offshore Gaming Operators.
Tinukoy ni Angara ang AMLC report noong 2020 kung saan may mga service providers ang ilang POGO na hinihinalang nagagamit ng ilang indibidwal sa pagtatago ng pera na galing sa iligal na gawain.
Sinabi ni Angara na binibigyan ng PAGCOR ang POGO ng lisensya para mag-operate ng online games at sporting events sa internet at ang POGO company naman ay kumukuha ng service providers para sa technical at operational services tulad ng livestreaming ng laro para sa mga customers o players na mga nasa abroad.
Ang mga service provider ay binibigyan naman ng accreditation ng POGO company.
Sa AMLC report, lumalabas na maraming service providers ang hindi regulated at hindi nababantayan kaya lantad ito sa mga pang-aabuso at exploitation ng mga criminal organization.
Bukod dito, kulang din ang PAGCOR sa pagtutok sa mga personalidad na nagmamay-ari at nagpapatakbo ng mga POGO, service providers at maging ang kanilang Business Process Outsourcing (BPO).