Suportado ng isang kilalang Propesor mula sa University of the Philippines (UP) ang desisyon o planong hakbang ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipawalang-bisa na ang Visiting Forces Agreement (VFA).
Ayon kay Professor Roland Simbulan, ng UP Development Studies and Public Management, dapat ang desisyon ng Pangulo ay hindi nakabatay sa personal na kunsiderasyon gaya ng pagkakansela ng US Visa ni Senator Ronald Bato Dela Rosa.
Paliwanag pa ni Simbulan dapat pag-aralang mabuti ng Pangulo kung naging patas ang VFA sa mga Filipino dahil ang US lamang aniya ang nakikinabang sa VFA lalo na at hindi naman iginagalang ng mga sundalong kano ang mga batas ng Pilipinas.
Dagdag pa ni Simbulan, hindi lamang VFA ang dapat na alisin kundi maging ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) at ang Mutual Defense Treaty na naging dahilan ng pagtatayo ng militar ng US sa mga kampo ng Armed Forces of the Philippines.