Ipinag-utos na ni LRTA Administrator Gen. Reynaldo Berroya ang pagbuo ng isang Fact-Finding Committee na magiimbestiga sa kaso ng banggaan ng dalawang tren ng LRT 2 kagabi.
Nais ni Berroya na ma-determina ang ugat ng insidente at maisumite ang report sa lalong madaling panahon.
Base sa ulat, 30 pasahero at 4 na LRT-2 personnel ang nasaktan sa aksidente.
Sabi pa ni Berroya , hindi naman sila nagpabaya at lahat ng mga biktima ay tinulungan na ng DOTr at LRTA.
Lima sa kanila ay kasalukuyan pang naka confined sa World Citi Medical Center at Quirino Memorial Medical Center.
Dinalaw na sila ni DOTr Secretary Arthur Tugade at DOTr Usec. for Railways TImothy John Batan at tiniyak na lahat ng medical bills, follow-up checkups, at pati na ang pagkawala ng kanilang income ay babayaran ng LRTA at DOTr.
Ipinag utos na din ni Secretary Tugade na lahat ng injured passengers ay bibigyan ng pagkain, libreng shuttle service sa mga uuwi na sa kanilang bahay at pagbibigay ng mga fruit baskets naman sa mga naka confined pa sa pagamutan.
Tinitiyak ng DOTr at LRTA sa publiko na sineseryoso nila ang imbestigasyon sa nangyaring insidente at sisikaping hindi na mauulit pa ito.
Aniya, ang LRT-2 ay isang safe mode ng public transportation, at ang nangyari kagabi ay maituturing na isang isolated incident lamang.
Asahan na rin daw na manumbalik ang operasyon ng LRT-2 ngayong araw.
Humihingi din ng paumanhin ang DOTr at LRTA sa lahat ng pasahero na naapektuhan ng di inaasahang aksidente.