Hindi pa kailangan ngayon na magdeklara ng national state of calamity matapos na maranasan ang malakas na pagyanig sa ilang lugar sa bansa.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na bagama’t ito ay awtomatiko kung may nararanasang matinding kalamidad ay hindi pa rin aniya maidedeklara ang national state of calamity.
Kailangan kasi aniya tatlong rehiyon o mas higit pa ang dapat na apektado ng kalamidad bago magdedeklara ang Malacañang ng national state of calamity.
Sa ngayon, batay sa assessment dalawang rehiyon lang ang apektado ng pagyanig, ito ay ang Region 1 at ang Cordillera Administrative Region.
Ngunit hindi pa aniya tapos ang assessment pero sana raw ay limited lang sa Abra, Ilocos Sur, Ilocos Norte at La Union ang matinding pinsala.
Sa ngayon ay kailangan muna aniyang matukoy ang lawak ng damages ng lindol bago matutukoy kung may pangangailangang magdeklara ng national state of calamity.