Tiniyak ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang pagkakaroon ng malinaw na ‘road map’ para sa isinusulong na integrated flood control master plan.
Ang ipinapanukalang integrated master plan ng senador ang pinaniniwalaang solusyon sa matinding pagbaha sa maraming lugar sa bansa.
Ayon kay Villanueva, kapag may road map sa integrated master plan ay matitiyak ang continuity o pagpapatuloy sa paggawa ng proyekto kahit mapalitan na ang nakaupong governor o alkalde sa isang lokal na pamahalaan.
Sa ganitong paraan, kahit abutin ng ilang taon bago matapos ang integrated flood control project ay hindi ito pwedeng baguhin ng bagong uupong opisyal dahil lamang hindi ginawa sa kanyang termino ang proyekto.
Dahil sa tumitinding pagbaha tuwing umuulan, umapela si Villanueva sa national government at sa mga LGUs na sa pagkakataong ito ay magsama-sama para maisakatuparan ang integrated strategic master plan gayundin ang water resources management department sa buong bansa at maibaba ito sa ating mga kababayan.
Hirit pa ni Villanueva na mapag-aralan ng mabuti ang proposal upang maiwasan nang mangyari ang palagi na lang ‘business as usual’ at panay band aid solution lang na pagtugon sa problema sa baha.