Ikinalugod ng Senado ang mabilis na pagkakalagda ni Pangulong Bongbong Marcos (PBBM) sa SIM Registration Act.
Ayon kay Senator Grace Poe, na sponsor ng batas sa Senado, pinaghirapan nila na muling pagtibayin ang lehislasyon upang labanan ang mga panloloko gamit ang cellphone.
Tiniyak ng senadora na mayroong sapat na safeguards ang batas upang maprotektahan at matiyak ang karapatan ng mga kababayan bilang mga pribadong mamamayan.
Sinabi naman ni Senator Jinggoy Estrada, isa sa mga may-akda ng batas, na magiging kabilang na ang Pilipinas sa mga dumaraming bansa na mandatory ang pagpaparehistro ng SIM at ang landmark legislation na ito ay inaasahang makakapigil sa paglaganap ng cybercrime at iba pang electronic communication-aided criminal activities.
Kumpyansa si Estrada na sa bagong batas na ito ay matutuldukan na ang problema sa text spams at mga modus o scams gamit ang texts.
Nagpasalamat naman si Senator Ramon Revilla Jr., isa sa mga co-authors, sa mabilis na pag-aksyon ni PBBM sa napakahalagang panukala na matagal nang hinintay na maisabatas.
Tiwala si Revilla na dahil sa tuluyang pagsasabatas ng SIM Registration Act ay makakasulong na para masawata ang mga krimen na nagsasamantala sa ‘anonymity’ ng mga hindi rehistradong SIM cards.