Monday, April 20, 2026

PAGLINIS NG IRRIGATION CANAL, ISINAGAWA SA BRGY. PINMALUDPOD URDANETA CITY

Nagsagawa ng paglilinis sa irrigation canal na matatagpuan sa bahagi ng Zone 6, St. Sophia at Metro Fort Inn matapos mapansin ang tambak na basura na nagdudulot ng panganib sa daloy ng tubig at kalinisan ng lugar.

Ayon sa ulat, ang mga nakalap na basura ay pinaniniwalaang nagmula sa mga iresponsableng indibidwal na naninirahan malapit sa irigasyon at basta na lamang ipinapaanod ang kanilang mga basura patungo sa nasabing kanal, na kalauna’y umaabot sa barangay.

Agad namang kumilos ang mga miyembro ng Civilian Volunteer Organization (CVOs) na walang pag-aatubiling lumusong sa maruming tubig upang linisin ang nasabing lugar. Kinilala ang kanilang dedikasyon sa pagpapanatili ng kalinisan ng irrigation canal, na mahalagang pinagkukunan ng patubig ng mga lokal na magsasaka.

Binibigyang-diin ng lokal na pamahalaan ang kahalagahan ng disiplina at kooperasyon ng bawat mamamayan upang mapanatili ang kalinisan ng kapaligiran at maiwasan ang pagbaha at iba pang suliraning dulot ng maling pagtatapon ng basura.

Patuloy ang panawagan sa publiko na maging responsable sa pamamahala ng kanilang basura bilang bahagi ng sama-samang pagsisikap tungo sa kaayusan at kaunlaran ng komunidad. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments