Wednesday, August 19, 2026

ULAN AT HINDI MAGANDANG KONDISYON NG KALSADA SA LINGAYEN–LABRADOR, DAGDAG-PERWISYO SA MGA PASAHERO

Dagdag-pahirap sa mga pasahero ang patuloy na pag-ulan kasabay ng hindi maayos na kondisyon ng ilang bahagi ng kalsada sa rutang Lingayen–Labrador sa Pangasinan.

Bukod sa mas mahirap na paghahanap ng masasakyan, concern din ng mga biyahero ang kanilang kaligtasan dahil sa kondisyon ng kalsada, lalo na kapag malakas ang ulan at madulas ang daan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Ang sitwasyon ay nagiging hamon partikular sa mga residenteng walang ibang opsyon kundi bumiyahe sa pagitan ng Lingayen at Labrador para makapasok sa trabaho, makauwi o makapunta sa kanilang destinasyon.

Bilang pansamantalang tugon, naglaan ang Provincial Government of Pangasinan sa pamamagitan ng PDRRMO ng libreng sakay para sa mga pasaherong bumibiyahe sa naturang ruta.

Gayunman, nananatiling mahalaga ang pagtiyak sa ligtas at maayos na kondisyon ng mga kalsada habang nagpapatuloy ang masamang panahon, lalo’t maaari pang magkaroon ng panibagong malakas na pag-ulan sa lalawigan.

Pinaalalahanan naman ng PDRRMO ang mga motorista at biyahero na alamin muna ang lagay ng panahon at kondisyon ng kanilang ruta bago bumiyahe at huwag ipilit ang pagdaan kung hindi ligtas ang sitwasyon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments