Monday, August 24, 2026

BIGAS KAPALIT NG WASTONG PAGHIHIWALAY NG BASURA, HATID NG PALIT BIGAS PROGRAM SA BASISTA

Unti-unting nagkakaroon ng konkretong tugon ang suliranin sa basura sa bayan ng Basista sa pamamagitan ng isang programang pinagsasama ang wastong pamamahala ng basura at pagbibigay ng insentibo sa mga residente.

‎Sa unang buwan ng implementasyon ng Basura Expo: Palit Bigas Program V. 2.0 noong Hulyo 2026, nakalikom ang Lokal na Pamahalaan ng Basista ng kabuuang 2,175 kilo ng food waste, o mahigit dalawang tonelada.

‎Bukod dito, nakolekta rin ang 16,519 piraso ng doy packs, 16.75 kilo ng PET bottles, 23 kilo ng used clothes, at anim na kilo ng brochures.

‎Nakiisa sa programa ang kabuuang 18 indibidwal mula sa pitong barangay, na nagsimulang magsagawa ng wastong paghihiwalay at pagre-recover ng mga basurang maaari pang magamit o mapakinabangan.

‎Nagsisimula sa loob ng bawat tahanan ang pagpapanatili ng malinis at maayos na kapaligiran sa pamamagitan ng wastong segregation, pagre-recycle at responsableng pagtatapon ng basura.

‎Ang nasabing programa ay hindi lamang nahihikayat ang mga residente na baguhin ang kanilang paraan ng paghawak sa basura, kundi nabibigyan din sila ng insentibo sa pamamagitan ng bigas.

‎Bagama’t nasa unang yugto pa lamang ang implementasyon, itinuturing na itong magandang simula sa patuloy na pagkilos ng komunidad tungo sa responsableng pamamahala ng basura.

‎Inaasahan ng lokal na pamahalaan na mas marami pang residente at iba’t ibang sektor ng komunidad ang makikilahok sa pagpapatuloy ng programa at patunay na sa simpleng pagbabago sa loob ng tahanan, maaaring magsimula ang mas malawak na pagkilos para sa isang mas malinis at maayos na kapaligiran. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣
Facebook Comments